Thursday, July 9, 2015

DUFF

I am a certified DUFF. Hindi lamang sa kung ano ang meaning nang pagiging DUFF, pati na rin sa ibig sabihin ng acronym na DUFF. DESTINED UGLY FAT FRIEND. OO, mataba ako, maliit, panget at higit sa lahat marami akong nagiging kaibigan na maganda, Yung tipong gusto mo na lang bumalik sa sinapupunan ng nanay mo kapag kasama mo sila at usapang kagandahan ang tema.




Nag-aral ako nang high school sa isang malaking public high school sa aming bayan, maraming estudyante ang nag-aaral doon at karamihan ay may kaya o di kaya naman ay mayaman at magaganda ang kanilang balat maging ang kulay nito. AKO, itong si panget na nakatira sa baryo, makalawang ang tubig, di kagandahan ang kutis lalo na ang kulay, ay talaga naman na-culture shock noong pagpasok ko sa paaralan na iyon. Tapos naroon pa ako sa pinaka mataas na section sa school namin, so, ang tendency kasi karamihan ng classmate ko mayayaman at may mga itsura. Andyan ang 3 minutes pa lamang simula noong i-post ang picture nila sa facebook, 300 likes na agad, yung maglalakad kayo papuntang canteen tapos yung kasalubong niyo e nabali na ang leeg sa paghabol ng tingin sa kasama mo na maganda.

Isa sa pinakamaganda sa aming klase ay medyo ka-close ko. Talaga naman na maganda siya, pati ako ay may pag hanga sa taglay niyang ganda. WOW di ba? Pero seryoso, maganda talaga siya, maputi, slim, at angelic ang face niya, sweet pa siya, mabait at matalino. Madalas ko siyang kasama, pati sa mga camping namin kaming dalawa ang madalas magkasama kaya naman habang nasa camping kami di maiwasan na may mga boy scouts na nagtatanong ng pangalan niya at cellphone number, ganoon din sa school, maglalakad kami tapos may papaswit sa kanya sabay sabi na "ate ang ganda mo," "ate anong pangalan mo," "ate crush kita" etc.  Pero minsan, habang magkasama kami, may isang lalaki ang kumuha ng cellphone number ko, isang event yuon kung saan ang activity ay dapat mong ibigay ang hinihingi sayo ng kapwa mo, edi obligado 'kong ibigay ang cellphone number ko pero honestly gusto ko rin naman ibigay kasi ang gwapo nung lalaki. May isa pang malaking dahilan kung bakit ko gustong ibigay yung number ko, kasi humanga ako sa kanya dahil  number ko ang hiningi niya hindi yung number ng kaibigan ko na maganda, actually during that time, ako lang kinausap niya at sakin lang siya nakatingin, pero alam ko naman na nakita niya yung classmate ko na maganda.

Naging close kami nung lalaki na iyon, madalas kami nagkakatext, gusto ko siya, kinikilig ako sa kanya. Tapos dumating yung oras na sinabi niya sa akin na mahal niya ako. Syempre ako itong si GAGA! kinilig ang walang hiya! Sinabi ko naman na mahal ko rin siya. Kilig na kilig ako sa kaniya bukod sa gwapo, mayaman pa, mabait at sweet. Minsan dinalaw niya ako sa school namin, masayang masaya ako noong mga oras na iyon, tapos may isa akong kaibigan na maganda rin ang nagkacrush agad sa bisita ko, nilapitan niya, kinausap niya, feeling close sila, tapos pinisil pa niya yung pisngi, BUSET! Pero nakabawi naman ako kasi nagkasama kami sa park, kaming dalawa lang.

Matapos ang mahigit 6 na buwan ng landian, nalaman ko sa ibang tao na itong sa gwapito ay matagal na palang nanliligaw sa kaibigan ko na maganda! Akala ko hindi niya talaga na-notice si classmate noong panahon na kinuha niya number ko, noon pala inuunti-unti na niya ang pagkilala kay classmate sa pamamagitan ng information na nakukuha niya mula sa akin. Dapat ko palang sabihin na "matapos ang mahigit 6 na buwan ng lokohan." Anim na buwan akong nagpakatanga, dapat simula pa lang talaga alam ko na yun, wala akong ganda, hindi ako yung talagang nagmatter, ung classmate ko talaga yun, bridge lang ako. Tapos nalaman ko rin na close na si gwapito saka yung isa ko pang kaibigan na pumisil sa pisngi nya, letche. Ayun, tinapos ko na lang yung fairy tale namin, umalis na lang ako bigla sa buhay niya, hayaan ko na sila maglandian. I'm just nothing.

Natapos na ang high school, nag college ako sa malaki ring paaralan malayo sa aking bayan. Tumira ako sa boarding house malapit sa dorm ng mga lalaki sa aming unibersidad, may room mate ako, maganda siya, pang beauty queen ang ganda. Tuwing bibili kami ng pagkain sa market sa university, lagi namin nadadaanan yung dorm ng lalake, lagi may nagpapaswit sa kanya, tinatanong pangalan niya, yung iba kilala siya kaya tinatawag siya, yung iba nga A tapang A tao e, sa harap namin tinatanong pangalan niya at kung anung college siya. Madalas ganoon ang senaryo, minsan ako na nga lang tinatawag nila para lang malaman pangalan ng room mate ko, ay hindi pala minsan, MADALAS nga pala. Kapag bibili lang ako ng miryenda may lalapit sakin, magtatanong about kay room mate, may time pa nga na may naging kaclose na ako dahil sa room mate ko. Close dahil araw araw siya nagtatanong about kay room mate, sa mga gusto ni room mate.

May naging classmate rin ako, sobrang close kami dahil parehas lang kami ng daan pauwi, madalas kaming sabay umuuwi, nagdadaldalan at same rin ng interest, ANIME! Dumating yung time na nalaman niya na classmate ko pala nung high school si babaeng crush na crush niya (si high school classmate ay nag-aaral din sa unibersidad na pinapasukan ko). So as EXPECTED, laging usapan na namin ay yung hs classmate ko na crush niya, andyan na pinupuntahan niya pa ako sa boarding house malaman lang ung mga bagay bagay sa crush niya, yung sinasabayan niya ako kumain ng ice cream habang bumabagyo makapag kwentuhan lamang tungkol sa crush niya. Nakakasawa na rin maging DUFF.

Sumunod na taon sa kolehiyo, nagkaroon ng bagong kaibigan, eto na naman, may dalawang maganda ulit na angat na angat ang beauty talaga. Dami nagchat sakin sa facebook, nakikiclose, malaman lang mga impormasyon tungkol sa new beautiful friends ko. Tamang nangungumusta, pagkatapos noon ay puro tungkol na sa new friends ko.

Endless situation na ata ito, ito ata ang may FOREVER. ME as a DUFF, FOREVER! 

No comments:

Post a Comment